DHSUD, naglatag ng gabay ngayong pinapayagan na muli ang mga housing construction sa MECQ

Naglatag ng mandatory safety protocols ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) para sa pagpapanumbalik sa dati ng construction works at iba pang real estate activities sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Sa inilabas na Department Order 2020-005 ni DHSUD Secretary Eduardo Del Rosario, may limang mandatory requirements na kinakailangang sundin ng mga developer bago payagang makabalik sa kanilang mga proyekto o konstruksyon.

Kabilang dito ang pag-obliga sa contractor na gastusan ang COVID-19 testing ng kanilang mga trabahador.


Pagsasailalim sa kanila sa limang araw na quarantine anuman ang kasalukuyan nilang kalagayan.

Ang pagtatalaga ng safe at hygienic on-site quarters para sa kanilang mga trabahador.

Dapat din aniyang magkaloob ang mga kontratista ng sapat at makatwiran na assistance package sa sinumang trabahador sa sandaling mahawaan sila ng COVID-19 sa panahon ng kanilang ibibigay na serbisyo.

Gayundin, ang pagkakaloob ng group health o self-insurance coverage sa lahat ng kanilang manggagawa.

Inaprubahan mismo ng Organization of Socialized Housing Developers of the Philippines at ng Subdivision and Housing Developers Association Inc. ang naturang protocols matapos ang pulong nila kay DHSUD Secretary Del Rosario.

Facebook Comments