Tuluy-tuloy pa rin ang serbisyo sa publiko ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) kahit inilagay sa lockdown status ang punong tanggapan nito sa Quezon City simula noong Biyernes.
Ito’y bilang precautionary measure kasunod ng biglang pagkamatay ng isang empleyado nito dahil sa hindi pa natutukoy na uri ng karamdaman.
Inanunsyo ng DHSUD na suspendido hanggang ngayong araw ang pasok ng mga empleyado upang makapagsagwa ng disinfection sa lahat ng mga gusali nito.
Sa isang statement, sinabi ng DHSUD Secretary Eduardo Del Rosario na bagama’t ang kaligtasan ng mga empleyado ang kanilang isinasaalang-alang, hindi nila pwedeng mahinto ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Tuloy pa rin naman ang mga pag-asikaso sa mga transaksyon sa pamamagitan ng online.
Magbabalik-operasyon ang housing agency bukas, araw ng Martes.