Nakikiusap ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa publiko na maghintay lamang sa mga itinatayong pabahay ng pamahalaan.
Sa Malacañang Insider, sinabi ni DHSUD Sec. Jose Rizalino Acuzar na tuloy-tuloy naman ang itinatayong housing projects ng ahensya.
Kailangan lang anyang maghintay dahil hindi pwedeng madaliin ang mga gusali na kadalasang inaabot ng dalawa at kalahating taon ang construction.
Dagdag pa ni Acuzar, ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program ng administrasyong Marcos ay hindi lang basta pagtatayo ng mga bahay kundi paglikha ng kaaya-ayang komunidad para sa mahihirap.
Utos kasi aniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na lagyan ito ng mga pasilidad na mapakikinabangan at mae-enjoy ng mga publiko.
Nilinaw naman ng kalihim na hindi libre ang pabahay dahil pinondohan ito ng pribadong sektor.
Ang ginawa anya ng gobyerno ay binigyan ng access ang publiko sa pribadong pondo sa pamamagitan ng interest subsidy.