Manila, Philippines – Inihayag ng National Food Authority (NFA) na hindi basta na lang maipatutupad ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na un-impeded importation o unli-importation ng bigas sa bansa.
Ito ang sinabi ni NFA Spokesman Gerry Imperial sa briefing sa Malacanang kanina kung saan ayon dito ay kailangan pa ng pag-apruba at klaripikasyon ng NFA Council sa kautusan ng Pangulo.
Sinabi ni Imperial na kailangang makabuo muna ng guidelines ang NFA Council na pinangungunahan ngayon ni Agriculture Secretary Manny Pinol bago ipatupad ang kautusan ng Pangulo matatandaan na ang hakbang ng Pangulo ay para mapababa ang presyo ng bigas sa bansa.
Sa ngayon aniya ay nasa 1.53 milyong metriko tonelada na bigas ang mayroon ang bansa na kayang tumagal ng 48 araw at sa bilang na ito aniya ay 2.56 milyon na sako naman ng bigas ang nasa NFA.