‘DI HUHULIHIN | Customs intel officer na sangkot sa magnetic lifters na may shabu, hindi muna aarestuhin

Manila, Philippines – Mananatili sa kustodiya ng Senado si Jimmy Guban, intelligence officer ng Bureau of Customs (BOC) na sangkot sa pagkakapuslit sa bansa ng shabu na nakasilid sa magnetic lifters.

Inihayag ito ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa kabila ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa NBI na dakpin si Guban kasunod ng naging pagdinig ng komite ng Kamara kahapon.

Ayon sa kalihim, hindi pa naman tapos ang pagdinig ng Senado sa isyu ng magnetic lifters kung saan nagsisilbing resource person si Guban.


Una nang na-cite for contempt ng Senado at Kamara si Guban matapos na mainis ang mga mambabatas sa hindi niya pakikipagkooperasyon sa imbestigasyon.

Idinagdag ni Guevarra na walang warrant of arrest laban kay Guban na basehan sana para damputin ito kaagad ng NBI.

Sinabi ni Justice Secretary Guevarra na kailangan muna niyang balikan ang committee report ng Senado ukol sa isyu para malinawan niya ng maayos ang papel ni Guban sa kontrobersiya.

Facebook Comments