Manila, Philippines – Tuluyan nang tinuldukan ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang espekulasyon na siya ay tatakbo sa 2019 midterm election.
Ayon kay Mayor Duterte, sinabi na niya sa PDP-Laban na hindi siya interesado at hindi siya tatakbo sa May 2019 elections.
Ito ay kahit pa nag-reserve na ang partido ng slot para kay Mayor Sara para sa senatorial slate ng PDP-Laban.
Matatandaang sinabi nito noong Agosto na pinakawalan niya ang pagkakataon para sa pagtakbo sa pagka-senador dahil mas interesado siya sa re-election sa pagka-alkalde ng Davao City.
Mababatid din na noong nakaraang linggo sa inilabas na Pulse Asia survey, lumutang ang pangalan ni Mayor Sara na pang-lima sa mga nais ng publiko na senatorial candidate mula sa 66 aspiring senatoriables sa 2019.