‘Di maayos na implementasyon ng K-12 program, isa sa nakikitang dahilan kaya’t bumaba ang kalidad ng edukasyon sa bansa – ACT

Inihayag ng Alliance of Concerned Teachers na isa sa nakikita nilang dahilan kaya bumaba ang kalidad ng pagtuturo sa bansa ay ang hindi maayos na implementasyon ng K-12 program.

Ayon kay Joselyn Martinez, Chairman ng ACT, hindi nila nakikitang solusyon ang K-12 program para maabot ang pagiging globally competitive pagdating sa edukasyon na isa sa mga minimithi ng Department of Education o DepEd.

Sinabi ni Martinez na nagiging pahirap sa mga estudyante at mga magulang ang K-12 kung saan nagiging madalian ang lecture sa mga bata.


Dagdag pa ni Martinez, hindi masisisi ang mga guro kung bakit naging pinakamababa sa 79 bansa ang nakuhang marka ng mga Pinoy sa reading comprehension o pag-intindi sa binabasa, base sa resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA).

Aniya, hindi nila matutukan ang mga estudyante dahil sangkaterbang trabaho tulad ng paper works, school activities at iba pa ang ibinibigay sa kanila kaya’t nagkukulang ang oras nila sa pagtuturo.

Bagama’t may training na ginagawa ang DepEd, hindi raw ito sapat dahil sa naturang training ay nagsabay-sabay ang lahat ng guro at halos karamihan ay walang natutunan.

Iginiit pa ni Martinez na kung handa ang DepEd na itaaas ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas ay nararapat na ayusin nila ang polisya sa K-12 at bigyan ng sapat na budget ang sektor sa edukasyon.

Facebook Comments