‘Di na daw kaya ang pambu-bully: Binatilyo, napatay sa suntok ang 15-anyos na kaklase

1142

TALISAY CITY, CEBU – Arestado ang isang 18-anyos na estudyante ng Grade 9 matapos mapatay ang 15-anyos na kaklase sa basketball court ng Barangay Dumlog noong Huwebes ng gabi.

Ayon sa pulisya, nag-ugat ang malagim na krimen dahil sa bullying.


Kinilala ang nasawi na si Nash Empaces, nakatira sa Sitio Cabugnaan, Barangay San Isidro sa naturang siyudad.

Naisugod pa ang biktima sa Talisay City District Hospital pero idineklarang dead on arrival kinalaunan.

Kinilala ang suspek na si Cegie Cristuta Gallicia, residente ng Sitio Juana, Barangay Biasong.

Batay sa imbestigasyon, matagal nang binu-bully ng dalawa ang isa’t-isa. Kalbo raw ang kutya ni Gallicia kay Empaces habang bakla naman ang pang-asar ng pangalawa sa salarin.

Subalit tila bumigay na ang suspek sa pambu-bully ng biktima, dahilan para suntukin niya ito sa batok at tiyan.

Bumagsak umano sa semento ang binatilyo at nabagok pa ang ulo nito.

Ayon sa magulang ni Empaces, nalaman nila ang sinapit ng anak matapos tawagan ang cellphone nito at ibang tao na raw ang sumagot.

Sinabi daw ng nakausap nila na nahihirapan nang huminga ang lalaki at tuluyang nawalan ng malay.

Samantala, inamin ni Gallicia na nagdilim ang paningin niya nang magtagpo ang landas nila ni Empaces sa basketball court.

Sinampahan ng kasong homicide ang salarin na nakapiit ngayon sa Talisay City Jail.

Facebook Comments