Manila, Philippines – Ibinasura ng National Telecommunication Commission (NTC) ang apela ng Sear Consortium ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson.
Sa apela ng grupo, hiniling nila sa NTC na bawiin ang paggawad sa mislatel bilang third telco sa bansa.
Labag daw kasi sa NTC rules ang pakikipag-partner ng Mislatel sa Udenna/ Chelsea logistics at China telecom dahil may existing contract pa ito sa Tier One Communications na nasa ilalim ng Consortium ni Singson.
Kasama ring ibinasura ng komisyon ang hirit ng Sear na motion for reconsideration sa hindi pagkakapili sa kanila sa ginawang selection process.
Buwelta ng Sear – minadali lang ng NTC ang pagdinig sa kanilang mosyon at tila hugas-kamay lang ang ginawang pagde-desisyon ng en banc.
Tinawag pa nito ang selection committee ng NTC na “insensitive” at walang pag-iingat sa pagpili ng bagong telco player.
Samantala, inaaral na rin ng Philippine Telegraph and Telephone Company (PT&T) ang nilalaman ng NTC decision matapos ding ibasura ang kanilang mosyon.
May hanggang huwebes ang dalawang kompanya para makapaghain ulit ng apela habang may hanggang linggo, november 18 ang NTC para resolbahin ito.