‘DI PINAGBIGYAN | Hirit ng kampo ni Sen. De Lima, ibinasura

Manila, Philippines – Hindi pinagbigyan ni Muntinlupa RTC Branch 206 Judge Lorna Navarro Domingo ang hirit ng kampo ni Senadora Leila De Lima na wag nang gawing testigo ng prosekusyon ang mga convicted na personalidad laban sa kanya.

Kabilang sa mga ito ay sina Nonilo Arile, Jojo Baligad, Herbert Colangco, Engelberto Durano, Rodolfo Magleo, Vicente Sy, Peter Co at 4 na iba pa.

Ayon sa hukuman, ang mga nabanggit na testigo ng prosekusyon ay hindi naman kasali sa charge sheet at hindi rin sila dawit sa kaso laban sa senadora.


Paliwanag pa ng korte, kung convicted man ang mga ito ay sa ibang kaso at walang kinalaman sa kasong kinakaharap ni De Lima.

Kung kaya at nagdesisyon ang Muntinlupa RTC na idaos ang mga susunod na pagdinig sa New Bilibid Prisons (NBP) dahil ang mga nabanggit na testigo ay pawang mga nakapiit sa Bilibid.

Kahapon, nakatakda sanang sumalang sa witness stand si dating Police Officer Engelberto Durano pero dahil masama ang pakiramdam ni Judge Domingo ipinagpaliban ang pagdinig at itinakda na lamang sa susunod na Martes.

Facebook Comments