‘DI SUMIPOT | Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos, no show sa pagbabalik sesyon

Manila, Philippines – No show sa Kamara sa unang araw ng pagbabalik sesyon si dating unang ginang at Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos matapos itong mahatulang guilty sa pitong kaso ng graft.

Ang kaso ng dating first lady ay nag-ugat sa pagbuo nito ng mga private organizations para mapangalagaan ang mga Swiss accounts noong ito pa ang gobernador ng Metro Manila

Kinumpirma ng staff sa mismong tanggapan ni Marcos dito sa Kamara na hindi pumasok ang lady solon sa maghapon at wala din ito sa sesyon sa plenaryo.


Paliwanag ng staff ni Marcos, abala ang dating first lady sa ibang aktibidad sa labas ng Batasan ngunit hindi naman ito idinetalye pa.

Samantala, wala pang pahayag si Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa isyu ng hatol ng anti-graft court sa dating unang ginang kaya hindi pa masabi kung ano ang magiging hakbang ng Mababang Kapulungan sa oras na maglabas na ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban kay Marcos.

Nanindigan naman si House Majority Leader Rolando Andaya Jr., na iginagalang ng Kongreso ang hatol ng Sandiganbayan kay Marcos.

Sinabi naman ni House Minority Leader Danilo Suarez na mas mabuting mag-move on na lamang ang lahat sa kaso ni Marcos.

Facebook Comments