Hinarang ng Korte Suprema ang pagdaraos ng recall elections sa labanan sa pagka-alkalde sa Cabadbaran City, Agusan del Norte.
Sa desisyon ng Supreme Court en banc, inatasan nito ang Commission on Elections (COMELEC) na huwag ituloy ang nasabing botohan.
Tinukoy ng Kataas-taasang Hukuman na ito ay salig na rin sa itinatakda ng probisyon sa Local Government Code na nagbabawal sa pagdaraos ng recall elections sa loob ng isang taon bago ang pagdaraos ng regular na halalan.
Ang recall elections ay kasunod ng petisyon na inihain laban kay Mayor Katrina Marie Mortola na siyang nagwagi sa 2016 mayoral elections sa Cabadbaran.
Ginawang batayan sa recall petition ang “loss of confidence” ng mga residente ng lungsod sa nakaupong alkalde.
Idineklara naman ni Election Officer Mark Christer Sorilla na sapat sa porma ang petisyon at ayon pa sa COMELEC, sapat ang mga valid signature na nakalap para isulong ang recall elections.
Pero dumulog si Mortola sa Korte Suprema at sa pamamagitan ng inisyung temporary restraining order ay hindi natuloy ang itinakdang recall elections noong May 5.