DICT at National Security Council, pabor na i-regulate ang paggamit ng social media

Pabor ang Department of Information and Communications (DICT) na dapat ng i-regulate ang paggamit ng social media sa panahon ng halalan.

Sa Kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni Undersecretary Jeffrey Ian Dy ng DICT, dapat ng magkaroon ng batas hinggil sa paggamit ng social media lalo na’t dumarami ang mga fake account at ginagamit na ito sa iligal na paraan.

Aniya, isa sa mga hakbang na kanilang ginagawa at ang makipag-ugnayan sa mga may-ari ng mga social media applications tulad ng YouTube, Facebook, TikTok at iba pa para lamang alisin ang isang pekeng account.


Giit ni Usec. Dy, mas mapapadali o magiging mabilis ang trabaho na mawala ang mga pekeng account kung may batas na hinggil sa pag-regulate ng social media.

Kaugnay nito, aminado si Assistant Director General Jonathan Malaya ng National Security Council na malaki ang nagiging impluwensya ngayon ng mga social media lalo na tuwing panahon ng eleksyon.

Malaki raw kasi ang nagiging bentahe ng isang kandidato na madalas ay marami ang nagpo-promote gamit ang mga fake account.

Bukod dito, nakikita rin nila sa mga susunod na panahon lalo na tuwing halalan na marami ang nagsusulputan na socia media account para guluhin o manira ng isang kandidato.

Facebook Comments