DICT, dapat munang patunayan sa Senado na karapat-dapat silang mabigyan ng confidential funds

Iginiit ni Senate Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe na dapat munang patunayan sa Senado ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na karapat-dapat silang tumanggap ng confidential fund para sa susunod na taon.

Sa proposed 2024 budget ng DICT ay humihingi ang ahensya ng P300 million na confidential fund na gagamitin sa pagtugis sa mga scammers.

Ayon kay Poe, dahil sa bilyun-bilyong pisong nalulugi sa bansa nang dahil sa scam ay matindi ang pangangailangan para palakasin ang ating mga countermeasures laban sa scam at cybercriminals.


Pero dapat muna aniyang pag-aralan kung may kapabilidad ang DICT na gastusin ang budget.

Dahil sa mababang utilization rate ng DICT sa 2022 na nasa 32.2 percent lang, nababawasan tuloy ang kumpyansa kung nagugugol nila ng wasto ang kanilang pondo.

Hihilingin ni Poe sa Commission on Audit (COA) na ipaliwanag sa kanila kung paano ginamit ng DICT ang P1.2 billion na contingency funds sa nakalipas na taon.

Bilang ang DICT aniya ang pang-apat sa may pinakamalaking alokasyon para sa confidential fund, ang DICT na ang bahala kung paano dedepensahan na kailangan nila ang nasabing pondo.

Facebook Comments