Iminungkahi ni Senator Chiz Escudero na gawing pangunahing partner ng Presidential Communications Office (PCO) sa paglaban sa fake news ang Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ang suhestyon ni Escudero ay kasunod na rin ng ilulunsad na kampanya ng Marcos administration laban sa maling impormasyon kung saan ilang ahensya ng gobyerno ang target gawing partner dito katuwang ang mga social media platforms tulad ng Facebook, YouTube at X na dating kilala na Twitter.
Napaulat din na ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) ay kabilang sa mga partner agencies ng PCO kung saan ipinasasama sa curriculum ng mga mag-aaral ang media literacy subjects.
Pero ayon kay Escudero, sa halip na ang dalawang ahensya ang gawing partner sa kampanyang ito ay mas mainam kung DICT ang kukunin ng PCO na key partner sa paglaban sa fake news.
Paliwanag ni Escudero, mas dapat na isama sa kampanya ang DICT dahil ang mga misinformation at disinformation ay lumalaganap sa iba’t ibang social media at hindi naman sa tradisyunal na telebisyon, print at radyo.
Itinuro pa ng senador na dahil sa pag-usbong ng internet, kahit sino na lang ay pwedeng pagmulan ng impormasyon, totoo man ito o fake news.
Pinaghihinay-hinay rin ni Escudero ang PCO na balak na idagdag sa subjects ng mga mag-aaral ang tungkol sa media literacy dahil bukod sa mahabang proseso ito ay kailangan din munang pag-aralan at dumaan sa konsultasyon.