Nilinaw ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na hindi pa nila inaalis ang posibilidad na “cyber attack” ang nangyaring problema sa air traffic management system ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ang iginiit sa pagdinig ng DICT matapos unang sabihin ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na malabong cyber attack ang nangyari matapos na matukoy na sumobra ang boltahe sa isa sa mga circuit breakers ng air traffic system.
Sa ginanap na pagdinig ng Senado, sinabi ni DICT Usec. Alexander Ramos, head ng Cybercrime Investigation and Coordination Center (CICC) na nag-imbestiga sa aberya, hindi pa sila hinihingian ng CAAP ng imbestigasyon patungkol sa cyber attack.
Sinabi pa ni Ramos na kahit hingan sila ng CAAP ng report sa ngayon ay hindi rin nila magagawa dahil kulang naman sila sa mga kagamitan bunsod ng kaltas sa kanilang budget.
Dagdag ni Ramos ang sinabi lang nila sa report na ibinigay sa CAAP ay “off grid” o hindi nakakabit sa internet ang Uninterruptible Power Systems o UPS at center pero para masilip nila kung may cyber attack ay mangangailangan sila ng tools at equipment tulad ng remote access sa VSAT at UPS system.