Hiningi na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang tulong ng Local Government Units (LGUs) para makumbinsi ang publiko na kumpletuhin na ang kanilang SIM card registration bago ang deadline sa April 26, 2023.
Ayon kay DICT Undersecretary at Spokesperson Anna Mae Yu Lamentillo, malaki ang papel ng mga LGU sa pagpapalaganap ng impormasyon at sa pagpapabilis ng SIM registration sa mga malalayong lugar.
Ani Lamentillo, kahit tumutulong na ang mga provincial at regional directors ng DICT, gayundin ang mga Tech4ED Center nito, malabo pa ring mairehistro ang 169 million active mobile subscribers bago ang deadline.
Batay sa datos ng DICT kahapon, March 21, 2023 ay may kabuuang 49,203,064 subscribers ang nakapagparehistro ng SIM card sa kanilang systems.
Ito ay katumbas ng 29.12% ng 168,977,773 million subscribers sa buong bansa.
Ang Smart Communications Inc., ay may total 25,097,454 SIMs registered na katumbas ng 36.91% ng 67,995,734 subscribers nito.
Ang Globe Telecom Inc., ay nakapagtala ng 20,412,643 registered SIM card o 23.23% ng 87,873,936 subscribers nito.
Ang DITO Telecommunity Corporation naman ay may total 3,693,064 na SIMs registered o 28.17% ng 13,108,103 subscribers nito.