Inaasahang bibilis na ang internet speed sa Pilipinas pagdating ng Hulyo ng susunod na taon.
Ito ang tiniyak ng Department of Information and Communications Technology (DICT) kasabay ng kompetisyon ng tatlong telecommunications company na Smart, Globe at Dito Telecommunity.
Ayon kay National Telecommunications Commission (NTC) Commissioner Gamaliel Cordoba, mapipilitan ang Smart at Globe na pagbutihin ang mga serbisyo nito nang pumasok sa karera ang ikatlong telco para sa mabilis at maaasahang internet connection.
‘’And they are spending so much on their capital expenditures. Si Globe po for 2020, ang gagastusin nila ay $1.6 billion at si Smart naman po ay nasa P70 billion. Because of the entry of Dito,’’ sabi ni Cordoba.
Mula sa kasalukuyang mababang internet speed sa Pilipinas na nasa 3 hanggang 7 megabit per second (mbps) ay tataas ito sa 55 mbps.
Nangako rin ang Dito na aabot sa 27 mbps ang internet speed sa unang taon ng kanilang operasyon at handa silang magbayad ng penalty kapag hindi nila naabot ang kanilang pangako.
Mas titindi pa ang kompetisyon dahil sa probisyon ng Bayanihan to Recover as One Law o Bayanihan 2 kung saan mapapabilis na ang pag-apruba ang mga permits mula sa mga local government units (LGUs).
Sinabi naman ni DICT Secretary Gregorio Honasan, mayroon silang twin initiatives para sa common tower policy kung saan maaaring gamitin ng tatlong players ang iisang platform.
Pinagsabihan din niya ang mga telco na huwag ipasa sa mga subscribers ang pagkakabit ng towers na nagkakahalaga ng tig-10 milyong piso.
Nabatid na hinirang ang Pilipinas na isa sa mga bansang may pinakamabagal na internet speed sa Southeast Asia.