DICT, inaayos na ang isyu sa napasong kontrata ng software ng VaxCertPH

Inaayos na ngayon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pag-renew ng kontrata sa software na ginagamit sa COVID-19 Vaccination Certificate na VaxCertPH na napaso nitong September 30.

Sinabi ni DICT Secretary Ivan John Uy na kamakailan lamang sa kanila ipinaalam ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na hindi handa ang DOH upang tanggapin at akuin ang pamamalakad sa sistema.

Buhat nito, humiling ang DOH sa DICT na sila muna ang magpatakbo nito hanggang magkaroon na sila ng kakayahan upang patakbuhin ang VaxCertPH system.


Pumayag naman ang DICT ngunit hindi naka-program sa kanilang budget ang pagbayad sa kontrata sa software ng VaxCertPH bunsod ng nakatakdang turnover nito sa DOH bago mapaso ang kontrata.

Sa ngayon, humahagilap pa ang DICT ng pondo para sa hindi inaasahang gastusin para mapatakbo ang sistema.

Una nang inireklamo ng ilang indibidwal ang kanilang nawawalang records o mga mali sa kanilang personal data nang mag-apply online upang makakuha ng vaccination certificate sa VaxCertPH.

Facebook Comments