Manila, Philippines – Pinabulaanan ng Department of Information and Communications Technology o DICT ang pahayag ni Senador Franklin Drilon na binawi o “ipso facto” revoked na ang franchise ng Mindanao Islamic Telephone Company, Inc. o Mislatel bilang bagong telco player sa bansa.
Ayon kay DICT acting Secretary Eliseo Rio Jr., ang pahayag ni Drilon ay malayo sa katotohanan.
Pinanindigan ni Rio na masigasig at masusi ang ginawa noon ng NTC sa pagsuri sa lahat ng requirements upang matiyak na nakatugon ito sa Terms of Reference.
Unang sinabi ni Drilon sa pagdinig ng Senado na taong 2015 nang bilhin ng president at chief operating executive ng Mislatel na si Nicanor Escalante ang majority share ng naturang telco company.
Ayon pa kay Drilon, dapat ay kumuha muna ng congressional approval ang grupo ni Escalante para sa paglilipat ng kontrol sa interest sa Mislatel.
Iginiit naman ni Rio na noong pre-qualification period, sumulat ang NTC sa Kongreso upang tanungin kung valid o may bisa pa ang franchise ng Mislatel.
Sinagot naman aniya sila ng Kongreso na ang franchise ng Mislatel ay hindi revoked.
Dahil wala namang deklarasyon ng rebokasyon ang competent authorities, walang karapatan ang NTC na ikunsidera ang pagbawi sa francise ng Mislatel.
Malinaw din aniya sa alituntunin ng Supreme Court (SC) na itinuturing na property right telco franchise at kailangan ng due process para ito ay bawiin.