Nakikipag-ugnayan na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa Department of Education (DepEd) hinggil sa plano nitong paglalagay ng libreng Wi-Fi sa mga paaralan.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni DICT Secretary Ivan Uy na dapat munang matukoy ang mga eskwelahan na nangangailangan ng free Wi-Fi.
Kailangan kasi aniyang iprayoridad ang mga lugar kung saan maraming paaralan lalo’t limitado lamang ang pondo ng ahensya.
“Tinitingnan po natin kung anong areas ang dapat mauna, for instance, siguro kung may paaralan at medyo Malaki-laki ang population nung lugar na yun na walang Wi-Fi then doon po natin uunahin against yung kakaunting tao lang, mas makonti ang makakapag-avail noong technology,” ani Uy.
“Yung demographic is very important, so, yung mga nasa lugar na may kaya naman at may availability ng mga telcos, hindi na po namin gagawin yun,” dagdag niya.
Samantala, maliban sa mga eskwelahan, target din ng DICT na makabitan ng libreng Wi-Fi ang mga istasyon ng MRT, LRT, at mga paliparan.
Kaugnay nito, pinag-aaralan na rin ng DICT na magsagawa muli ng bidding para makabuo ng isang “mother contract” upang mapabilis ang pagkakabit ng internet.
Noong Hulyo, matatandaang pinuna ng Commission on Audit (COA) ang DICT dahil sa mahina nitong implementasyon ng free Wi-Fi program.
Aminado si Bautista na hindi naging maganda ang implementasyon ng nakaraang administrasyon sa proyekto dahil sa magkakaibang kontratang kinuha nito sa pagtatayo ng equipment at pagkakabit ng internet.