DICT, sinita sa kawalan ng national contact tracing portal at vaccination database ng bansa

Tinawag ni Ang Probinsyano (AP) Partylist Rep. Ronnie Ong ang pansin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) bunsod ng mabagal na paglikha ng national contact tracing portal at vaccination database na dapat sana’y nagagamit para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Iginiit ni Ong na kaya nga nilikha ang DICT ay para may hiwalay na ahensya ang gobyerno na tututok sa information technology requirement ng bansa pero hindi rin naman anya ito maramdaman mula pa noong 2016.

Katuwiran ng kongresista, kung hindi naman armado ang gobyerno ng tamang gamit para mabilis na matuloy at matunton ang mga potensyal na carriers at spreaders ay hindi matatalo ng paulit-ulit lang na lockdown ang pagkalat ng virus.


Punto pa ng mambabatas na ngayong may health crisis ay pagkakataon sana ng DICT na magpakitang-gilas ng kanilang kakayahan sa information and resource-sharing gayundin sa database-building ngunit isang taon mahigit na ang nakalilipas ay wala pa rin itong reliable at verifiable contact tracing at vaccination portal.

Tinukoy pa nito na kahit ang online contact tracing portal na “Stay Safe” ay walang pakinabang dahil hindi ito konektado sa sistema na otomatikong mag-uugnay at susubaybay sa mga posibleng insidente ng close contacts sa suspected carriers.

Facebook Comments