Walang naitalang pinsala sa telecommunications facilities ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga lugar na naapektuhan ng lindol noong Miyerkules, Hulyo 27.
Ayon kay DICT Assistant Secretary Anna Mae Lamentillo, nag-inspeksyon ang DICT sa Cordillera Region, Region I, Region II, at Region III at kumpirmadong walang nasirang communications facility at government facility.
Kaugnay nito ay nagtalaga ang ahensya ng VSAT o very small aperture terminal satellite phones upang matiyak ang maayos na komunikasyon para sa rescue operations.
Dagdag pa ni Lamentillo, na tumutulong din ang telecommunications companies gaya ng PLDT-Smart at Globe sa mga apektadong lugar sa pamamagitan ng libreng tawag, charging stations, at WiFi stations.