Magsasagawa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng initial digital payment ng second tranche ng emergency subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ngayong araw, July 3, 2020.
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, inaasahang tataas ang bilang ng SAP 2 beneficiaries na kasalukuyang nasa 1.4 million kasunod ng digital na paraan ng pamamahagi ng cash aid.
Paglilinaw ni Bautista, ang mga benepisyaryong bigong makarehistro sa Relief Agad app ay maaari pa ring tumanggap ng ayuda, lalo na kung kasama ang kanilang pangalan sa master list ng mga benepisyaryo na isinumite ng kanilang lokal na Pamahalaan.
Ang mga benepisyaryo ay aabisuhan ng Financial Service Providers o FSPs sa pamamagitan ng text message kung ang emergency subsidy ay naipasok na sa kanilang transactional o nominated accounts.
Ang Land Bank of the Philippines ang maghuhulog ng pondo sa mga FSPs gaya ng GCash, RCBC, Robinsons Bank, PayMaya, Starpay at Unionbank.