Cauayan City, Isabela- Sisimulan na sa Lunes (September 7,2020) ang pamamahagi ng ayuda sa mga waitlisted families sa ilang bayan sa Isabela sa pamamagitan ng digital payout sa ilalim ng Social Amelioration Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Jeanet Lozano, Information Officer ng Pantawid Pamilya Pilipino Program, kinakailangan lamang na sundin ang mga nakatakdang araw at payment outlet para makuha ang tulong pinansyal mula sa pamahalaan.
Kinabibilangan naman ng mga bayan ng Angadanan, Aurora, Benito Soliven, Cabagan, Cabatuan, Cauayan City, Santiago City, Cordon, Delfin Albano, Gamu, Ilagan, Mallig, Ramon, Roxas, San Guillermo, San Mariano, at Tumauini ang tatanggap ng nasabing ayuda mula sa gobyerno.
Dagdag pa ni Lozano, ilan sa maaring puntahan na payment outlet base sa matatanggap na reference number ay Western Union, MLhuiller, at Cebuana Lhuiller.
Ipinaliwanag din nito na sakaling walang maipresenta na kahit anong valid identification card ay may ibang paraan din para makuha ang ayuda sa pamamagitan naman ng pag-iisyu ng barangay certification kaakibat ang nakaimprentang larawan subalit bago makuha ito ay mayroon din munang sertipikasyon na magmumula sa mga City/Municipality Social Welfare and Development Office.
Kaugnay nito, muli namang pinaalalahanan ang mga benepisyaryo na tatanggap sa mga payment outlet na mayroong cash out fee na P50 taliwas sa mga naunang mga kumalat na higit sa nasabing halaga ang maikakaltas sa pagtanggap ng ayuda.
Samantala, muli namang nilinaw ng DSWD Field office 2 na wala ng second tranche ng Social Amelioration Program simula ng mapabilang sa ang Cagayan Valley sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) dahil ang pagbibigay ng ayuda sa waitlisted families ngayon ay bahagi lamang ng hindi nabigyan ng unang tranche ng ayuda ng gobyerno.