DIGITAL REGISTRATION NG AGRI-FISHERY MACHINES, SINIMULAN NA SA LA UNION

Opisyal nang inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng La Union ang pagpapatupad ng digital registration system para sa mga makinarya at kagamitang pang-agrikultura at pangisdaan matapos ang paglagda sa isang Memorandum of Agreement noong Pebrero 19.

Napabilang ang lalawigan sa mga piling model local government units para sa implementasyon ng Registration of Ownership of Agricultural and Fisheries Machines and Equipment System (RAFMES), alinsunod sa Agricultural and Fisheries Mechanization Law o Republic Act No. 10601. Layunin ng sistema na makabuo ng komprehensibong database ng lahat ng makinarya at kagamitan ng mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa.

Bilang bahagi ng pagsisimula ng rollout, tumanggap ang lalawigan ng espesyal na printing equipment na gagamitin sa paglikha ng natatanging QR code para sa bawat rehistradong traktora, water pump, harvester at iba pang kagamitan. Sa pamamagitan nito, inaasahang mas mapapadali ang pagkilala, pagsubaybay, at pagmomonitor sa mga rehistradong makina sa buong lalawigan.

Kasabay ng aktibidad, nilagdaan din ang hiwalay na kasunduan para sa pagtatayo ng mga bagong flue-curing barns at air-curing sheds katuwang ang National Tobacco Administration bilang suporta sa lokal na industriya ng tabako.

Dumalo sa seremonya ang mga kinatawan mula sa Department of Agriculture-Regional Field Office I, Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization, at iba pang ahensya ng pamahalaan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments