Inaasikaso na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagbuo ng common digital ID na magsisilbing pruweba kung ang isang tao ay nabakunahan na laban sa COVID-19.
Ito ang pahayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles kasabay ng panawagan sa publiko na magpabakuna lalo na at bagong banta ang Delta at Delta plus variants.
Ayon kay Nograles, ang digital ID ay mayroong unique QR code para sa bawat Pilipino.
Kasalukuyan, ang mga local government units (LGUs) ay nag-iisyu ng ID cards para sa kanilang mga residenteng nabakunahan laban sa COVID-19.
Ang mga pangunahing nilalaman ng ID card ay buong pangalan, petsa ng kapanganakan, barangay, petsa ng registration ng vaccination program.
Ang iba pang impormasyong makikita sa vaccine card ay petsa ng una at pangalawang vaccination, brand, pangalan ng taong nagbigay ng bakuna at iba pa.
Sinabi pa ni Nograles na pinag-aaralan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang posibilidad ng pagbibigay insentibo para sa mga fully vaccinated individuals.
Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang nananawagan sa World Health Organization (WHO) na bumuo ng protocols para sa mga bansa na nais magkaroon ng common digital vaccine passport.