Isinusulong sa Kamara ang “digitalization” ng mga ahensya ng gobyerno sa paghahatid ng serbisyo.
Sa House Bill 3 na inihain nina Leyte Rep. Martin Romualdez, Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander Marcos at Tingog Party-list Rep. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre ay inaatasan nito ang mga government agencies na lumipat na sa internet o digital platforms para sa mas episyente at transparent na paghahatid ng serbisyo.
Sa ilalim ng E-Governance Act ay layunin nitong magtatag ng isang pinagsama-sama, magkakaugnay, at “interoperable information, resource sharing and communications network” na maglalaman ng mga internal records, information system, information database at digital portals na sasaklaw sa pangkalahatang public service ng national at local government.
Itinutulak din ng panukalang batas ang paggamit ng internet at iba pang umuusbong na teknolohiya sa loob o labas man ng mga ahensya ng gobyerno at para maibigay agad ang mga kinakailangang impormasyon at serbisyo sa mga Pilipino.
Tinukoy pa sa panukalang batas na matagal na dapat ang shift ng pamahalaan sa digitalization at napabilis lamang ang pagsasakatuparan nito dahil kinailangan sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Tinitiyak naman sa panukala ang pagbibigay proteksyon sa personal privacy, national security, pagiingat sa mga records, at iba pang mahahalagang batas.