Digitalization sa pamamahagi ng ayuda, nabusisi sa budget hearing ng DSWD

Inamin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ilang kompanya na ang binawi ang alok na i-digitalized ng libre ang pamamahagi ng ayuda ng ahensya.

Nabusisi kasi ni Senator Sherwin Gatchalian sa pagdinig ng ₱194.63 billion 2023 budget ng DSWD sa Senado kung ano ang ginagawa ng ahensya para ma-digitalize ang distribusyon ng financial assistance ng pamahalaan.

Ayon kay DSWD Sec. Erwin Tulfo, marami na sanang kompanya ang nag-alok na tutulungan ang ahensya na ma-digitalize ng libre ang pamimigay ng cash aid ng ahensya subalit may mga batas na pumipigil sa kanila para gawin ito.


Tinukoy ni Tulfo ang polisiya sa ilalim ng Government Procurement and Policy Board (GPPB) na kinakailangan pang dumaan muna sa bidding ang mga kumpanyang mag-aalok ng serbisyo sa DSWD dahilan kaya umatras ang mga ito.

Giit ni Tulfo, libre na ngang ibibigay ang serbisyo at hindi naman gagastos o maglalabas ng pera ang gobyerno ay bakit pa kailangang dumaan sa bidding.

Nito lamang Hunyo ay may isang kumpanya na sanang magbibigay ng libreng digitalization service sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) pero hindi na rin tumuloy dahil sa polisiya para sa bidding.

Facebook Comments