Gagamit na ang pamahalaan ng passenger arrival cards para bantayan at matunton ang mga taong na-expose sa COVID-19.
Sa ikawalong weekly report sa Kongreso, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagkaroon ng kasunduan ang Bureau of Immigration (BI) sa ilang airline companies para sa bagong passenger forms bago ang arrival ng mga flights sa bansa.
Ang passenger arrival cards o forms ay naka-integrate sa system ng BI para sa maayos na monitoring at real-time contact tracing.
Ipatutupad din ang Advanced Passengers Information System.
Ang BI ay nagbibigay sa Department of Health (DOH) ng impormasyon ng suspected cases tulad ng travel history at records mula sa Bureau of Quarantine (BOQ) at Department of Foreign Affairs (DFA).
Batid ni Pangulong Duterte na mahalaga ang contact tracing sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Sa datos, natunton ng pamahalaan ang nasa 60,586 close contacts mula nitong May 14, 2020.
Para mapaigting pa ang contact tracing efforts, nagtalaga ang DOH ng 128 health workers para mangolekta at mag-encode ng case data ng 58 ospital.
Sa ngayon, nasa 25 subnational laboratories ang gumagamit ng COVID-19 Information System para magbigay ng laboratory data sa Epidemiology Bureau.