“Dilawan” gown ni Imee Marcos sa SONA 2019, viral

via Gaea Cabico, Mak Tumang

Umani ng reaksyon sa mga netizen ang gown na isinuot ni Senator Imee Marcos sa ikaapat na State of the Nation Address 2019 (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes.

Gawa ito ni Mak Tumang, kilalang gown designer ni Miss Universe 2018 Catriona Gray, na may dilaw at pulang kulay at tinawag na “La Filigrina.”


Ayon kay Tumang, ang gown ay sumasagisag ng katapangan at nagbibigay pag-asa para sa bansa. Mayroon itong sunset ombre na “Solihiya” na fabric at “Gold Tambourine” swags at medalyon.

“We all need to work hand in hand; together, to make our country truly a ‘bayang magiliw’,” pahayag ni Tumang.

Paliwanag naman ni Imee, gusto niyang tapusin ang pakikipagtalo sa pulitika tungkol sa dilawan at pamilyang Marcos na pula.

“‘Di ninyo napansin ‘yung color ko? I’m wearing yellow for a change,”pahayag ni Imee sa mga reporter sa kaniyang suot na yellow and red ombré dress.

“Dilawan ako ngayon,” dagdag ni Imee. Ito ang representasyon ng kulay ng Liberal Party, pulitikal ‘oposisyon’ ng mga Marcos.

“Sawang-sawa na ako sa bangayan ng dilaw at pula sa pulitika,” aniya. Sinabi niya ring tapos na ang eleksyon kaya mag-‘move forward’ na lamang.

Samantala, pinag-usapan naman ng mga netizen ang gown ni Imee. Ani ng netizens, sumisimbolo ito ng dugo ng mga pinaslang noong panahon ng mga Marcos at ginto na ninakaw mula sa bayan.

 

Facebook Comments