Inamin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mayroong pagkukulang sa pagpapatupad ng quarantine protocols sa magkahiwalay na events na dinaluhan nina Presidential Spokesperson Harry Roque at Senator Manny Pacquiao.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, dapat pinaghandaan ng Local Government Units (LGUs) ang mga ganitong events kung saan hindi nalalabag ng mga tao ang health at safety protocols.
Kung nagkaroon ng paglabag sa protocols, sinabi ni Año na dapat itinigil agad ang event.
Sinabi naman ng kalihim na hinihintay niyang matanggap ang final report ng Philippine National Police (PNP) sa imbestigasyon nito sa mga event na dinaluhan nina Pacquiao at Roque.
Matatandaang binatikos si Roque sa social media matapos kumalat ang mga litrato niya na dumadalo sa isang event sa Cebu kung saan nabalewala ng maraming tao ang physical distancing measures.
Si Pacquiao naman ay dumalo sa isang event sa Batangas kung saan hindi rin nasunod ang physical distancing.
Nanawagan ang DILG sa mga public officials na iwasang dumalo sa mga pagtitipon kung saan mababalewala ang social distancing at mas mainam na huwag tanggapin ang mga request na maging guest speakers at sa halip ay maging modelo sa publiko sa pagsunod sa minimum health standards.