DILG at LGUs, pinapatulong sa DepEd para mapabilis ang pagbabakuna sa mga guro para sa pagpapatupad ng limited face-to-face classes

Iginiit ni Committee on Basic Education Chairman Senador Sherwin “Win” Gatchalian sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga Local Government Unit (LGU) na tulungan ang Department of Education (DepEd).

Ito ay para mas mabilis na mabakunahan ang mga guro laban sa COVID-19 lalo’t malapit nang simulan ang pilot test ng limited face-to-face classes sa Nobyembre 15.

Sa pagdinig ng Senado ay iniulat ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan na halos 57 porsyento na ng mga guro ang nabakunahan kontra COVID-19.


Ayon kay Gatchalian, malaki ang maaaring maging papel ng DILG sa paghikayat o pagsulong sa LGUs na makipag-ugnayan sa lokal na distrito o division ng DepEd para mabakunahan ang mga guro.

Tiniyak naman ni DILG Undersecretary Ricojudge Echiverri na makikipagtutulungan sila sa DepEd upang mapabilis ang pagpapabakuna ng mga guro.

Dagdag pa ni Echiverri, titignan at susuriin ng DILG ang datos mula sa mga LGU pagdating sa mga gurong nabakunahan na.

Tiniyak din ni Usec. Malaluan na ipatutupad ng DepEd ang institutional approach sa pagpapabakuna kung saan makikipag-ugnayan sila National Task Force (NTF) Against COVID-19 para mabakunahan ang mga guro na kabilang din sa A4 priority list sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.

Facebook Comments