DILG at LGUs, sinita ng isang senador dahil sa mabagal na pamimigay ng ayuda sa tricycle drivers

Sinita ni Senador Win Gatchalian ang mga Local Government Unit (LGU) at Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil sa matagal na pagkaantala ng pamamahagi ng ayuda sa mga tricycle driver sa gitna ng napakataas na presyo ng krudo.

Giit ni Gatchalian, hindi dapat naantala ng ganito katagal ang Pantawid Pasada para sa mga tricycle driver kung wasto ang listahan nila ng mga benepisyaryo na isusumite sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Napag-alaman ni Gatchalian na sa random check na ginawa ng Land Bank of the Philippines, ang ilan sa mga pangalang nasa listahan ng targeted beneficiaries na isinumite ng DILG at LGUs ay hindi tumugma sa mga pangalan ng mga may hawak ng e-wallet account.


Ito ang nag-udyok sa LTFRB na hilingin sa DILG na ayusin ang listahan.

Ayon kay Gatchalian, malaking bagay ang programang Pantawid Pasada para sa mga tricycle driver na tulad din ng ibang driver ng pampublikong transportasyon ay umaasa sa arawang pamamasada at apektado rin ng nagtataasang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Facebook Comments