DILG at NDRRMC, nag-abiso sa publiko na sundin ang isasagawang preemptive evacuation; Ilang probinsya, naghahanda na sa posibleng epekto ng Bagyong Ulysses

Ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko na sundin ang preemptive evacuation na ipapatupad ng Local Government Units (LGUs) bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Ulysses.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, kinakailangang sundin nila ang evacuation measures lalo na ang mga residente sa Bicol Region at mga kalapit na lugar partikular ang mga nakatira sa low-lying areas.

Aniya, inaasahan nila ang pakikiisa, kooperasyon at disiplina mula sa publiko.


Kasunod nito, nag-abiso ang National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC) sa mga residente ng maapektuhang lugar na panatilihing nakaantabay sa kanilang local officials para sa mga gagawing anunsyo.

Nagpaalala rin ang ahensiya na mag-ingat at maging handa kasabay ng pag-iingat laban sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.

Samantala, una nang nagsagawa ng mandatory evacuation ang LGU ng Catanduanes sa mga residenteng nakatira sa coastal areas habang tiniyak naman ng mga alkalde sa probinsya ng Oriental Mindoro na handa na sila sa pagdaan ng Bagyong Ulysses.

Nagpatupad na rin ng forced evacuation ang lokal na pamalaan ng Polilio Island, Quezon Province sa mga residenteng nakatira malapit sa baybaying dagat dahil sa posibleng storm surge pagdating ng bagyo.

Samantala, kaninang umaga ay nakaranas na ng pagbaha sa Lopez, Quezon bunsod ng bagyo.

Facebook Comments