Binalaan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., ang mga bagong halal na Sangguniang Kabataan (SK) officials na iwasan ang pagtatalaga ng mga kamag-anak bilang SK secretaries at treasurers.
Sa isang DILG Memorandum Circular, pinaalalahan ni Abalos ang mga ito na ang dapat na itatalagang bagong SK secretary at treasurer ay hindi dapat nasa second civil degree of consanguinity o affinity ng sinumang incumbent elected officials.
Nagpaalala rin si Abalos sa mga SK officials na pumili ng mga kuwalipikadong secretary at treasurer sa loob ng 60 araw mula sa kanilang panunungkulan.
Dapat mayroon silang educational background na may kinalaman sa business administration, accountancy, finance, economics, o bookkeeping at dapat residente ng barangay.
Pinapayagan lamang ang SK Chairperson na isaalang-alang ang iba pang suitable nominees kung walang miyembro ang nakakatugon sa educational requirements.
Dagdag pa ng kalihim na ang appointed SK secretaries at treasurers ay kailangang sumailalim sa mandatory training program bago sila makapanungkulan.