DILG, binigyan ng karapatan ang mga LGUs na suspendihin ang Manila Bay clean-up kapag holidays

Binigyan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng kapangyarihan ang local government units (LGU) na suspendihin ang mandatory weekly clean up ng Manila Bay kung ang iskedyul ay babagsak sa holiday.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang local government personnel at volunteers ng panahon para magpahinga at makapiling ang kanilang pamilya kapag holiday.

Nabatid na ang mandatory Manila Bay clean-up ay isinasagawa tuwing Sabado.


Ipinaliwanag naman ni Año na maaaring pumili ang LGUs kung anong araw nais nilang magsagawa ng clean-up o maaari ring manatili na lamang tuwing Sabado kahit na ito ay babagsak sa holiday.

Una dito, inatasan ng DILG sa pamamagitan ng Memorandum Circular (MC) 2019-09, ang 178 Cities at municipalities at 5,714 barangays na nasasakop sa Manila Bay watershed area na mag-organisa ng clean-up drives sa kanilang mga lugar tuwing Sabado.

Samantala, sinabi naman ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya, mula Enero 1 hanggang March 26, umabot na sa 34,584 clean-up drives ang naisagawa ng mga barangays na nakakasakop sa Manila Bay watershed area, habang 831 naman ang LGUs mula January 1 hanggang March 19, 2022.

Facebook Comments