Manila, Philippines – Bumabalangkas na ngayon ang isang working group sa Department of Interior and Local Government (DILG) ng ‘guidelines’ para sa isinusulong na localized peace talks ng Malacañang.
Ayon kay DILG OIC Secretary Eduardo Año, sa oras na makumpleto ito ay maaari nang umpisahan ng Local Government Units (LGUs) ang lokal na antas ng pakikipag-usap pangkapayapaan sa mga ground units ng National Democratic Front-New People’s Army (NDF-NPA).
Binigyang diin ng DILG Chief na hindi isinusuko ng gobyerno ang peace talks sa Communist Party of the Philippines (CPP).
Wala aniyang ibang opsyon kundi isulong ang lokal na pag-uusap lalo pa at nagpahayag kamakailan ang CPP na mas gugustuhin nilang patalsikin sa pwesto ang Pangulo.
Sa pamamagitan aniya ng localized peace talks, mas magiging makatotohanan at mabilis na maipapatupad ang mga mapag-uusapang desisyon at kasunduan.
Dagdag pa Año, aalisin nito ang nauna nang pangamba ng ilang kongresista na ang mga leftist leaders na naka-exile sa ibang bansa ay hindi naman masasabing kumakatawan sila sa totoong demand at hinaing ng mga rebelde sa bansa.
Habang ongoing naman ang localized peace process, sinabi ng DILG na kasamang rerebyuhin ang mga dati nang nilagdaan na peace documents gaya ng draft proposals sa Comprehensive Agreeement on Social and Economic Reforms (CASER), Interim Peace Agreement (ILA) at End of Hostilities and Disposition of Forces (EHDF) upang matukoy ang kaugnayan at kahalagahan nito sa isinusulong na substitute ng palasyo sa pakikipag-usap sa mga rebelde.