DILG, bumuo ng task force na mag-iimbestiga sa mga LGU official na sangkot sa kontrobersyal na resort sa Chocolate Hills sa Bohol

Bumuo na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng task force na mag-iimbestiga sa ipinatayong kontrobersyal na resort sa paanan ng Chocolate Hills sa Bohol.

Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, isang special investigation team ang tututok sa nasabing isyu kung saan sisilipin nito ang posibleng accountability ng mga opisyal ng local government units (LGUs) na pumayag sa pagpapatayo ng Captain’s Peak Resort.

Una nang sinabi sa interview ng RMN Manila ni Bohol Provincial Legal Officer Atty. Handel Lagunay na bukod sa Captain’s Peak Resort ay iimbestigahan na rin ang iba pang establisyimento lalo na kung may mga naging paglabag sila gaya ng kawalan ng permit para mag-operate.


Nitong Huwebes ay nagpatupad ng temporary shutdown ang resort matapos na kanselahin ang kanilang business permit at makitaan ng paglabag tulad kawalan ng Environmental Compliance Certificate (ECC).

Bunsod nito, sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na posibleng pagmultahin ng aabot sa limang milyong piso ang nasabing resort dahil sa mga paglabag.

Ang Bohol’s Chocolate Hills ay idineklarang UNESCO World Heritage site at isang protected area.

Facebook Comments