Binigyang katwiran ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagkakasama ng higit sa isang libong barangay sa ilalim ng Barangay Development Program (BDP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DILG Usec. Jonathan Malaya na ang 1,406 na mga barangay sa mga probinsya ay malinis o wala nang presensya ng mga armadong grupo.
Karamihan aniya sa mga ito ay mula sa Bicol, Eastern Visayas at Caraga Region.
Ani Malaya, ang Armed Forces of the Philippines (AFP) katuwang ang mga Local Government Unit (LGU) at maging sila sa DILG ang nag-assess sa bawat barangay.
Paliwanag pa nito, ang mga residente mismo sa mga napiling barangay ang nagtukoy ng mga programang dapat ilaan sa kanilang lugar nang sa gano’n ay guminhawa ang kanilang pamumuhay.
Una nang dinepensahan ng Malakanyang ang 2022 budget na inilaan para sa NTF-ELCAC na nagkakahalaga ng P28.1 bilyon.
Matatandaang kinukwestyon ng ilan kung bakit dinagdagan pa ang pondo ng NTF-ELCAC, na mas mataas sa P19 bilyon na budget nito ngayong 2021, gayung nasa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic ang bansa.