DILG director sa Pangasinan na si Virgilio Sison, pansamantalang inalis sa puwesto

Courtesy: Province of La Union

Pansamantalang inalis sa pwesto ni Interior Secretary Benhur Abalos ang direktor ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Pangasinan na si Virgilio Sison.

Ito’y kasabay ng imbestigasyon ng umano’y harassment ng ilang pulis sa ilang onion farmers sa bayan ng Bayambang sa Pangasinan.

Sinabi ni Abalos, hindi siya nasabihan ni Sison na mayroon nang nangyayari sa Bayambang at nagpapa-imbestiga na ito sa mga pulis tungkol sa insidente ng pagpapakamatay ng limang magsasaka roon.


Inihayag ng kalihim na hinihintay na niya ang paliwanag ni Sison.

Sa naunang pahayag ni Merly Gallardo na isang magsasaka na humarap sa pagdinig ng Senado, sinabi nito na ilang beses siyang pinuntahan sa bahay ng mga pulis at pinapirma sa isang pahayag tungkol sa pagpapakamatay ng kaniyang asawa.

Nakalagay aniya sa pahayag na hindi dahil sa pagkalugi ang pagpapakamatay ng kaniyang asawa taliwas sa kanilang paniniwala na dahil ito sa problemang pang pinansyal na may kaugnayan sa produksyon ng sibuyas.

Sa panig naman ni Philippine National Police (PNP) Information Chief Col. Red Maranan, kumilos at nagtungo sa bahay ng mga magsasaka ang mga Pulis Bayambang alinsunod sa utos ng DILG Pangasinan.

Facebook Comments