Inalis na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagtatakda ng deadline sa pagkuha ng dagdag na contact tracers.
Sa halip, gagawin nang tuloy-tuloy ang hiring system ng ahensya hanggang mapunan ang 50,000 slots para sa mga contact tracers bilang bahagi ng pagpapalakas ng contact tracing efforts sa bansa.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, lahat ng DILG provincial at city field offices ay tatanggap pa rin ng applications hanggang makumpleto ang ibinigay na slots sa mga ito.
Sinabi ni Malaya, plano nilang maipakalat sa mga Local Government Unit (LGU) ang first batch ng DILG-hired contact tracers sa unang linggo ng Oktubre para mapabilang sa LGU Contact Tracing Teams.
Aniya, may 10,000 na indibidwal na ang nakapag-apply na sa Metro Manila pero karamihan ay hindi kumpleto ng requirements o hinihinging dokumento.
Bagamat ang first preference ay college graduates o college level sa allied medical courses o criminology, bukas din ito sa mga graduate o college ng kahit anong kurso.
Kinakailangan lang na may kakayahan sa data gathering o nakapag-assist na sa research at documentation.