
Hihilingin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na kanselahin ang pasaporte ng gaming tycoon na si Atong Ang.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad si Ang matapos na mag-isyu ng warrant of arrest ang Santa Cruz, Laguna Regional Trial Court (RTC) Branch 26 at ng Lipa City, Batangas RTC Branch 13.
Arestado naman ang 21 na kapwa niya akusado sa kidnapping cases kaugnay ng pagdukot at pagpatay sa hindi bababa sa 34 na sabungero na umano’y nandaya sa mga laro sa pagitan ng taong 2021 at 2022.
Ani Remulla, ikinokonsidera ngayon ng gobyerno na maghain ng pormal na request sa Department of Justice (DOJ) at sa Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil dito.
Muling iginiit ni Remulla na naniniwala pa rin ang mga awtoridad na nasa Pilipinas pa rin si Ang.
Ito aniya ay kung pagbabatayan ang impormasyon ng Bureau of Immigration (BI) na wala itong talaan ng pag-alis ng gaming tycoon sa mga daungan ng bansa.
Nauna nang sinabi ng whistleblower na si Julie Patidongan o alias ‘Dondon’ na naniniwala siyang nakaalis na ng bansa si Ang.










