Ipinasusuko ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Communist Party of the Philippines (CPP) ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na responsable sa pagkasawi ng Far Eastern University (FEU) football player na si Keith Absalon at sa pinsan nito sa pagpapasabog ng landmine sa Masbate.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ngayong opisyal nang inako ng NPA ang responsibilidad sa pagkamatay ni Absalon, dapat lang na sumuko sa batas ang mga may pananagutan upang bigyang hustisya ang mga naulila ng mga biktima.
Ayon sa DILG Chief, hindi sapat na humingi lang ng paumanhin ang NPA at magkalimutan na.
Ani Año, hindi dapat umasa ang publiko sa umano’y internal na pagsisiyasat ng NPA dahil hindi naman ito nakasalig sa rules and procedures.
Aniya, walang problema kung isusuko ang mga suspect sa Commission on Human Rights (CHR) o sa Makabayan bloc, basta’t maiharap ang mga ito sa korte para sa paglilitis.
Dagdag ni Año, gagarantiyahan ng CHR at DILG ang kaligtasan ng mga akusado habang gumugulong ang kaso.