Hinihikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga Local Government Units (LGUs) na magpasa ng ordinansa na nagbabawal sa paggamit ng videoke at iba pang maiingay na bagay habang nagsasagawa ng online classes ang mga estudyante sa kani-kanilang tahanan.
Ang panawagan ni DILG Secretary Eduardo Año ay kasunod na rin ng pagpapatupad ng blended learning system sa milyon-milyong estudyante bunsod na rin ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Año, nakakasagabal at mawawala sa konsentrasyon ang mga estudyante kung sasabayan ng paggamit ng videoke at ingay mula sa ibang bagay lalo na’t lahat ng mga estudyante ay nasa loob ng kanilang bahay.
Bukod sa pag-ban sa videoke, hinimok din ni Año ang mga LGU na ipagbawal ang iligal na pasugalan tulad ng tupada, bingo at betting stations gayundin ang inuman at iba pang bagay na makakagawa ng ingay upang hindi maistorbo ang mga estudyante at maiwasan na rin ang mass gatherings.
Samantala, naglabas ang National Privacy Commission (NPC) ng “do’s and don’ts” na magiging gabay ng mga estudyante sa K-12 hanggang kolehiyo, mga magulang, guardians, guro at paaralan hinggil sa online learning.
Payo ng NPC sa mga mag-aaral na gumawa ng matibay at secure na password sa APG sign-up sa e-learning platforms at dapat na hindi bababa ito sa 12 characters kung saan maiging may upper at lower case letters, numbers at gamitan din ng symbols.
Dapat din na maging alerto sa panahon ng online classes lalo na sa pagbabahagi ng mga video, larawan at files at gumamit ng customized backgrounds para maiwasan ang aksidenteng disclosure ng personal information kung saan dapat ay nakapatnubay pa rin ang mga magulang o kaya ang guardians.