Hinikayat ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) at ang publiko na gamitin ang “StaySafe.PH” application para mapaigting ang contact tracing program laban sa COVID-19.
Ito ay matapos i-turn-over sa pamahalaan ang naturang contact tracing app.
Ayon kay DILG officer-in-charge Bernardo Florece Jr., makakatulong ang application sa trabaho ng higit 250,000 contact tracers sa bansa na nagsasagawa ng physical contact tracing.
Importanteng magkaroon ng unified system para sa mabilis at mahusay na contact tracing efforts.
Mabilis din nitong matutunton ang mga COVID-19 cases sa bansa at agad na magagawan ng aksyon para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Kaugnay nito, sinabi naman ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, ang DILG at Department of Information and Communications Technology (DICT) ay magsasagawa ng workshop para sa lahat ng LGUs na may sariling local contact tracing systems para sa integration sa StaySafe.
Aabot sa 15 million ang users ng StaySafe app sa 700 LGUs sa buong bansa.