Pinapahinto ng Department of the Interior and Local Government ang pagdebelop ng mga lokal na pamahalaan ng kanilang sariling contact tracing systems.
Sa halip ay gamitin ng mga Local Government Units (LGU) ang Stay Safe application bilang paghahanda sa full implementation ng isang national contact tracing system.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, sakaling ilang LGUs ay mayroon ng tumatakbong system at malawakang ginagamit sa buong bansa, kinakailangang mai-integrate ito sa Stay Safe applicatio na alinsunod sa Inter-Agency Task Force (IATF) Regulations.
Dagdag ni Malaya, isinasapinal na ang pormal na pag-turnover ng Stay Safe application mula sa developer Multisys patungo sa DILG bilang end-user at head ng NTF Task Group on Contact Tracing.
Isusunod naman dito ang pagbibigay ng workshop sa lahat ng mga LGUs.
Malaki aniya ang maitutulong ng digital contracting tracing efforts sa pag-asiste sa trabaho ng abot sa 255,000 contact tracers sa buong bansa.