Kailangan munang makipagkoordinasyon ng mga lokal na pamahalaan sa National Task Force (NTF) Against COVID-19 at Department of Health (DOH) bago gawin ang procurement at roll out ng COVID-19 vaccines .
Sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na dapat sundin ng mga Local Government Units (LGUs) ang tamang proseso upang maiwasan ang duplication ng mga pagsisikap at matiyak ang pamantayan sa pagpepresyo.
Aniya, bilang main procurer ng vaccine para sa bansa, ang national government ang siyang mangunguna upang matiyak ang kinakailangang monitoring at proper allocation
Nagpasalamat ang DILG sa tulong ng mga LGUs sa national government at tinitiyak nito na nasa tamang proseso sila ng pagbili ng may 184 million doses ng vaccine mula sa ilang manufacturers.
Sabi pa ng kalihim aprobado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tripartite approach ng LGU sa procurement ng bakuna kayat kailangang sundin ang ganitong sistema.
Tama lang din ang inisyatibo ng mga LGUs na gawin ang initial negotiations sa mga pharmaceutical companies pero kailangang kasama ang national government sa pagpirma sa tripartite agreement sa pagbili ng bakuna.