DILG, hinikayat ang mga mayor na ipawalang-bisa ang business permit ng Kapa

Hinimok ng Department of the Interior and Local Government  (DILG) ang lahat ng mayor ng lungsod at bayan na kanselahin o ipawalang-bisa ang business permit ng Kapa-Community Ministry International Inc.

Ito ay upang ilayo ang publiko sa paglagak ng kanilang pinaghirapang pera sa mapanlinlang na investment scheme.

Ang kautusan ni Interior  Secretary Eduardo  Año  ay kasunod ng pagpapawawalang bisa  ng Securities and Exchange Commission (SEC)  sa Certificate of Registration ng Kapa at ma-secure ang higit sa P100 milyong mga asset nito sa pamamagitan ng asset freeze order na ipinalabas naman ng Court of Appeals (CA).


Nauna na ring ipinag-utos ng Pangulo sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na ipahinto ang operasyon ng Kapa matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa publiko na ang grupo ay nang-iingganyo na mag-donate ng halagang hindi bababa sa P5,000 na may balik na 30% kada buwan.

Binigyang-diin din ng DILG chief na ang business o mayor’s permit ay hindi isang karapatan bagkus ay isang pribilehiyo na ibinigay ng estado.

Maaring bawiin ng estado ang business permit na ito kung may kaukulang dahilan para dito.

Aniya sa kaso ng Kapa, malinaw na may pag-abuso sa pribilehiyong ipinagkaloob ng pamahalaan sa pagpasok nito sa isang negosyo na nangangako ng kitang hindi nito kayang tuparin.

Pinaalalahanan din ni Año ang publiko na maging mapanuri sa kaduda-dudang proposisyon na nangangako nang malaking kita sapagkat mabibigo lamang sila sa huli.

Facebook Comments