Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Local Government Units (LGUs), pribadong grupo, at ang publiko na gamitin ang Philippine Identification o Phil ID card bilang nag-iisang official government issued identification card para sa lahat ng transaksyon.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, ang paggamit ng Phil ID ay hindi na mangangailangang magpakita pa ng iba pang identification document.
Mapapabilis din nito ang transaksyon sa lahat ng tanggap ng gobyerno at pribadong establisyimento.
Inatasan ni Año ang lahat ng LGUs na tanggapin ang Phil ID card bilang sapat na proof of identity, na hindi nangangailangan ng dagdag na identification documents.
Aabot sa 500,000 national ID cards ang naimprenta ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at naipadala na sa unang batch ng recipients sa pamamagitan ng Philippine Postal Corporation (PHLPost), ang official delivery partner ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Nilalaman ng Phil ID ang personal information ng cardholder kabilang ang litrato, buong pangalan, petsa ng kapanganakan, address, kasarian at marital status.
Mayroon din itong PhilSys Card Number (PCN), diffractive optically variable image device (DOVID), Quick response (QR) code, at PhilSys Number (PSN) Microprint.
Pinayuhan ng DILG ang publiko na huwag ibigay ang kanilang PSN sa anumang transaksyon pero ang gamitin ay ang 16-digit PCN na nakaimprenta sa harapang bahagi ng card.